ANGELES CITY – Hahalungkatin at titingnan umano ng isang abogado ang pinagmulan ng problema sa 73 ektaryang lupain sa Brgy. Anunas na napasa-kamay ng Clarkhills Properties Corporation.
Sa panayam ng Newsline Central Luzon kay Atty. Darren Canlas kahapon, sinabi nito na sisikapin niya na makakuha ng Temporary Restraining Order (TRO) mula sa Korte para mapahinto ang demolisyon na nagsimula kahapon, September 21, 2023.
Matatandaan na ilang kabahayan na rin ang mga sinira ng demolition team sa naturang lugar na hindi umano naa-aksyunan ang Motion to Quash na inihain ng mga residente sa Department of Agrarian Reform Adjudication Board (DARAB).
Sa paunang ulat, sinabi ni Glen Balatbat Sese, pangulo ng Balubad Homeowners and Residents Association na noong 1992 ay nai-sangla na ang naturang lupain, ngunit sa kabila ng pagkakasangla, nai-pamahagi pa rin sa mga residente taong 1998 sa pamamagitan ng Certificate of Land Ownership Award (CLOA).
Nilinaw naman ni Canlas na bagamat valid ang Writ of Demolition, titingnan din umano ng huli ang legalidad ng mga dokumento na ayon naman sa mga residente ay mga “peke”. Matatandaang una nang nakiusap sa Clarkhills Properties Corporation si Angeles City Mayor Carmelo “Pogi” Lazatin, Jr., sa pansamantalang pagpapatigil sa demolisyon noong nakaraang linggo.