Inilabas ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bataan ang mga karampatang parusa na maaaring kaharapin ng mga lumabag sa tatlong bagong ordinansa ng probinsiya kaugnay sa kaligtasan sa daan ng mga motorista. Sa mga lalabag umano sa “Bataan Road Warning and Safety Devices Ordinance,” maaaring maharap sa multa na P3000.00 sa 1ST violation, P4000.00 sa 2nd violation at sa 3rd violations ay P5000.00 at pagkakulong na hindi lalagpas sa isang taon
Batay sa ordinansa, mandatory ang pagkakabit ng Road Warning and Safety Devices sa mga construction projects na tulay o daan sa buong Bataan.
Sa “Wheel Clamp Ordinance” naman, kakabitan ng wheel clamp o tire lock ang mga sasakyang iligal na nakaparada sa Roman Superhighway.
Ang iba pa umanong parusa ay penalty na P500.00 sa unang tatlong oras, karagdagang P200.00 kada oras kung lalagpas ng tatlong oras ngunit ang kabuuang multa ay hindi lalagpas sa P5000.00.
Kapag ilegal naman ang pagtanggal sa wheel clamp o tire lock ay may multang P2000.00 at/o parusa na pagkakakulong nang isang buwan, at ang huli naman ay hihilain na ng tow truck ang mga unattended vehicles.
Multa namang Limang daan hanggang P2,500.00 ang maaaring kaharapin ng mga lalabag sa “Jose Abad Santos Avenue Keep Right Except To Overtake Ordinance” mula sa 1st violation hanggang 3rd violation.
Lahat ng mga motorista kasi sa JASA na mabagal ang takbo ng sasakyan ay mananatili sa right-hand lane maliban na lamang kung mago-overtake, kakaliwa sa isang intersection, o kapag iiwasan ang isang road obstruction.