City of San Fernando, Pampanga – Binakunahan ng libre ang mahigit dalawang daang senior citizen sa Syudad ng San Fernando laban sa trangkaso sa isang joint inoculation activity, na pinangasiwaan ng iba’t-ibang ahensya ng Pamahalaang Panlungsod.
Ayon sa Philippine Foundation for Vaccination, Inc. at Raising Awareness on Influenza to Support Elderlies Coalition o RAISE, ginanap ang aktibidad upang pangalagaan ang mga matatanda laban sa panganib na dala ng mga karamdaman na nauugnay sa trangkaso.
Bukod sa pagbabakuna, isang sesyon tungkol sa mga bagay na may kinalaman sa kalusugan – kabilang ang kahalagahan ng bakuna laban sa trangkaso at malusog na pamumuhay – ay idinaos din sa mga kalahok na senior citizen.
Sa pamamagitan ng paglagda sa RAISE Commitment Board, ipinahayag din ng mga kalahok ang kanilang suporta sa panawagan ng mga organizer para sa proteksyon sa mga matatanda.