CITY OF SAN FERNANDO, PAMPANGA – Umabot na sa 941 million pesos ang mga nakumpiskang ilegal na droga sa Central Luzon.
Batay sa panayam ng Newsline Central Luzon sa tagapag-salita ng Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA na si Glenn Guillermo, ang naturang halaga ng ilegal na droga ay ang mga nasamsam simula noong January hanggang August 2023.
Ipinaliwanag ni Guillermo na ito ay mula sa collaboration ng PDEA, Philippine National Police at National Bureau of Investigation kung kaya malaki ang naging datos.
Umabot naman sa 2,996 ang ikinasang anti-drug operations at nasa 4,475 indibidwal ang nahuli at kinasuhan dahil sa droga.
Sinabi pa ni Guillermo na kaya malaki ang interdiction dahil sa mga nakukuhang droga sa Port of Clark, ngunit agad din niton nilinaw na hindi source ng illegal drugs ang Pampanga kundi daanan lamang ng mga smuggled mula sa ibang bansa.
Ang isa kasi umano sa paraan ng mga sindikato ay ang pagdadala nito sa pamamagitan ng parcel.
Bukod dito, kahapon ng ihayag ng NBI ang nasabat na ilegal na droga sa bayan ng Mexico, Pampanga na nagtitimbang ng 530 kilograms na nagkakahalaga ng 3.6 billion pesos na idinaan umano sa Port of Subic.
Dahil dito ay iminungkahi ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na muling isailalim sa training ang mga K9 dogs na katuwang ng mga awtoridad sa mga pantalan at paliparan.